Sri Lanka nagpatupad ng social media ban makaraan ang post tungkol sa nagugutom na mga bata
Inatasan ng Sri Lanka ang kanilang civil servants na huwag magpahayag ng mga opinyon sa social media, matapos ang pag-aangkin ng ilang opisyal na ang mga batang mag-aaral ay bigla na lamang nawawalan ng malay dahil sa kakulangan ng pagkain sanhi ng malalang krisis sa ekonomiya sa bansa.
Sa panibagong utos sa kanilang 1.5 milyong state employees, ay sinabi ng Ministry of Public Administration and Management na ang matagal nang kabawalan na magbigay ng pahayag sa reporters ay aplikable na rin sa social media posts.
Nakasaad sa bagong kautusan, “Expressing opinions on social media by a public officer… shall constitute an offence that leads to taking disciplinary action.”
Ang kautusn ay kasunod ng pag-aangkin mula sa provincial health officials at mga guro, na dose-dosenang mga estudyante ang hinihimatay sa mga eskuwelahan dahil sa kakulangan ng pagkain.
Simula sa huling bahagi ng 2021, ang 22 milyong populasyon ng Sri Lanka ay nakaranas ng pinakamalalang economic crisis makaraang maubusan ng dolyar ang bansa para magamit sa pag-aangkat ng maraming pangangailangan.
Nagbunga ito ng malaking kakulangan at hindi opisyal na inflation rates na pumangalawa lamang sa Zimbabwe, maging ng mga protesta na naging daan para mapatalsik si President Gotabaya Rajapaksa noong July.
Ibinasura naman ni Health Minister Keheliya Rambukwella ang mga claim ng malnutrisyon sa mga bata, at inakusahan ang aniya’y “politically motivated” public health workers na pinalalaki lamang ang isyu.
Gayunman, batay sa pinakahuling ulat ng World Food Programmed, anim na milyong Sri Lankans o halos 1/3 na ng populasyon ng bansa ang nakararanas ng food insecurity at nangangailangan ng humanitarian assistance.
Tinugis naman ng pumalit kay Rajapaksa na si Ranil Wickremesinghe ang anti-government protesters at ipinagbawal ang mga demonstrasyon sa kapitolyo.
Ngayong Setyembre, ang gobyerno ay nagkaroon ng isang conditional agreement sa International Monetary Fund para sa $2.9-billion bailout.
Ang tulong ay dedepende sa magiging kasunduan ng Colombo at creditors para i-restructure ang external debt na umaabot na ng nasa $51 billion.
© Agence France-Presse