SSS contribution hike, suspendido muna ngayong taon
Hindi muna maaaring magtaas ng contribution rate ang Social Security System (SSS) sa mga miyembro nito habang nasa State of Calamity ang bansa dahil sa Covid-19 Pandemic.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11548 na nagbibigay kapangyarihan sa kaniya para ipagpaliban ang SSS contribution hike ngayong taon.
Ang nasabing batas ay nag-aamyenda sa RA 11199 o Social Security Act na nagbibigay pahintulot naman sa Social Security Commission, ang governing body ng SSS na magpatupad ng pagtaas sa kontribusyon.
Batay kasi sa RA 11199, magkakaroon ng isang porsiyentong pagtaas sa kontribusyon kada dalawang taon simula 2019 hanggang 2025.
Pero batay sa RA 11548, sinususpinde ang contribution hike dahil sa deklarasyon ng Nationwide State of Calamity sa ilalim ng Proclamation No. 929 na unang ipinatupad noong March 16 ng nakalipas na taon.
Mananatili naman ang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga SSS member sa ilalim ng bagong batas.