SSS nilinaw na 1% lang ang itataas ng contribution rate
Nilinaw ng Social Security System (SSS), na 1% lamang ang itataas ng contribution rate simula ngayong Enero.
Dahil dyan, sa kabuuan ay magiging 15% na ang kontribusyon ng mga myembro mula sa dating 14% salig narin sa Social Security Act of 2018.
Ayon sa SSS, ito na ang huling tranche ng contribution rate hike na nagsimula noong 2019.
Kasabay naman ng pagtaas ng kontribusyon ay ang pagtaas din ng minimum Monthly Salary Credit sa 5 libong piso mula sa dating 4 na libo, at maximum Monthly Salary Credit na P35,000 mula sa dating P30,000.
SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph De Claro / Courtesy: sss.gov.ph
Sa isang pahayag, ay sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph De Claro, na layon ng pagtaas na ito na masiguro ang mas mahabang kakayahang mabuhay ng SSS.
Kasunod ng last tranche na ito ng contribution rate at MSC hike, ang projected fund ng SSS ay hanggang 2053 na o dobleng fund life na 28 years o mula sa dating 14 na taon.
Dahil sa pagtaas ng contribution rate at MSC, inaasahang madaragdagan ang koleksyon ng SSS ng P51.5-B sa 2025, kung saan 35% rito o P18.3-B ay mapupunta sa Mandatory Provident Fund accounts ng SSS members.
Madelyn Villar-Moratillo