SSS, pinag-iingat ang mga miyembro at pensionado laban sa online fixers

Nagbigay babala ang Social Security System ( SSS ) para sa mga miyembro nito na mag-ingat laban sa social media accounts na hindi naman affiliated sa SSS na nag-aalok ng online assistance sa mga SSS member at pensioners pero nanghihingi ng bayad kapalit ng pag-aasikaso ng transaksiyon gaya ng paggawa ng SSS account, pagpa-file ng benepisyo at pagpa-facilitate para mapabilis umano ang pagpapalabas ng loan applications, maagang pag-release ng retirement benefits at mga katulad nito.

Ayon sa SSS, dapat maging alerto ang mga miyembro nito sa pagprotekta sa kanila-kanilang SSS accounts mula sa mga mapagsamantalang indibiduwal at tiyakin na ang lahat ng online applications at transactions ay sa pamamagitan lamang ng My.SSS online accounts na maa-access via SSS official website at sss.gov.ph at SSS Mobile App.

Binabalaan din ng SSS ang mga online fixers na maaari silang sampahan ng kasong kriminal at sibil dahil sa pagkuha ng confidential information at panghihingi ng pera mula sa SSS members at pensioners. Labag anila ito sa Section 17 of Republic Act 11199 o ang SS Act of 2018 at may parusa na multang P5,000 o pagkakulong ng ‘di bababa sa 6 na buwan hanggang isang taon o pareho depende sa desisyon ng korte.

Pinaaalalahanan din ang mga miyembro at pensionado na ang paggamit sa online fixers ay labag din sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Sabi pa ng SSS, kung may hinihinalang gumagawa ng online fraud​ at ​aktibidad ng online fixers, ang mga miyembro at pensionado ay maaring mag-e-mail sa SSS Special Investigation Department sa [email protected] o direktang mag-message sa kanilang social media accounts tulad ng SSS Facebook page at “Philippine Social Security System,” Instagram account at “mysssph,” at Twitter account na “PHLSSS”. Maari rin silang makatanggap ng updates sa pamamagitan ng pag-join sa SSS Viber Community “ MYSSSPH Updates.

Ronald Nery

Please follow and like us: