Sta. Ana, Cagayan at Pudtol, Apayao, nakitaan ng pagtaas sa kaso ng Covid-19
Habang bumababa ang kaso ng COVID-19 Delta variant sa National Capital Region (NCR), nakitaan naman ng pagtaas ng kaso ang ilang maliliit na munisipalidad sa labas ng NCR.
Ayon sa OCTA Research Group, kabilang sa nakitaan ng pagtaas ng kaso ay ang Pudtol sa Apayao at Santa Ana sa Cagayan, habang ang Dumaguete at Lubang sa Occidental Mindoro ay napabilang naman sa areas of concern.
Sa datos ng Cagayan Provincial Information Office as of Nov. 6, 2021, umakyat pa sa 170 ang active cases sa Sta. Ana matapos makapagtala ng panibagong 36 na kaso ng Covid-19.
Kasalukuyang pinaiimbestigahan na ng Cagayan Provincial Government ang biglaang pagtaas ng kaso na nagsimula pa noong nakaraang linggo at hinihinalang naganap ang hawaan sa isang casino sa Barangay Centro.
Samantala, sinabi ng Octa na naitala sa 3.80 ang reproduction number sa bayan ng Pudtol sa Apayao at 2.17 naman sa Sta. Ana, Cagayan.
Nasa 128.05 naman ang average daily attack rate (ADAR) o daily new cases kasa 100,000 tao sa Pudtol at 51.01 sa Sta. Ana.