Standard quarantine protocol para sa mga OFW na nakakumpleto na ng bakuna sa Pilipinas at abroad, pinag-aaralan ng Gobyerno
Pinag-aaralan na ng National Task Force Against COVID-19 Technical Working Group (NTF-TWG) ang uniform quarantine protocol para sa mga bakunado nang mga Pinoy dito sa bansa at sa ibang bansa.
Ayon kay NTF Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr., kung ang isang Overseas Filipino Worker ay napatunayang nabakunahan na sa ibang bansa maaaring kapareho ring quarantine protocol ang ipatupad sa kanila gaya ng guidelines para sa mga nakakumpleto na ng bakuna dito sa Pilipinas.
Ang mga quarantine protocol na ito rin ang isa sa ikokonsulta nila sa mga eksperto mula sa Ministry of Health ng Israel na nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na linggo.
Aniya, dapat maging patas at pare-pareho na ang mga restrictions na ipatutupad sa mga fully vaccinated na mga Pinoy dahil kahit naman ang mga may bakuna na ay maaari pa ring mahawa ng Covid-19 virus.
Matatandaang sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang public briefing na pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mas pinaiksing quarantine period para sa mga Pinoy na nabakunahan dito sa bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa iba’t-ibang embahada para pag-aralan ang risk classification ng isang bansa at kung paano ito aakma sa guidelines na binubuo ng gobyerno.