State of Calamity muling idineklara sa Bataan
Muling nagdeklara ng state of calamity ang probinsiya ng Bataan dahil sa nangyaring oil spill, bunsod ng lumalaking bilang ng mga mnagingisda at fish vendor na na direktang naapektuhan.
Sa data ng Provincial Social Welfare and Development Office, aabot sa mahigit 15,000 mga pamilya sa bayan ng Limay at Mariveles ang nakararanas ngayon ng masamang epekto ng oil spill.
Isa ang samahan ng maliliit na mangingisda ang labis na naapektuhan, dahil tinatanggihan na sa mga merkado, consignacion o bagsakan ng mga isda ang kanilang kalakal at wala na ring namamakyaw o napakatumal naman kapag inilalako, dahil sa takot at pangamba ng publiko sa oil spill.
Ayon kay Bataan Governor Joet Garcia, sa ilalim ng state of calamity ay mabibigyan ng agarang tulong at serbisyo ang mga apektadong residente at masusugpo ang pagkalat ng oil spill.
Aniya, unang nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan noong July 24 dahil sa pinsalang tinamo bunga ng pananalasa ng Bagyong Carina, kung saan umabot sa mahigit 190,000 mnga pamilya ang naapektuhan at mahigit-kumulang sa 36 na milyong piso ang halaga ng nasirang mga ari-arian, pananim at pangisdaan.
Ang MV Terra Nova ay lumubog sa karagatan ng Limay, Bataan noong July 25 at sinundan ng isa pang barko, ang MTKR Jason Bradley na lumubog naman sa baybayin ng Barangay Cabcaben sa Mariveles, at isa pang barko na sumadsad sa Barangay Biaan sa Mariveles pa rin sa kasagsagan ng Bagyong Karina at habagat, na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili sa karagatan.
Larry Biscocho