PRRD, posibleng ideklara ang state of calamity sa Bicol, Calabarzon at Mimaropa dahil sa bagyong ‘Rolly’
Hinihintay na lamang ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung isasailalim sa State of Calamity ang Bicol Region, Mimaropa at Calabarzon na pininsala ng nagdaang bagyong Rolly.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na inirekomenda na ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC kay Pangulong Duterte na isailalim sa State of Calamity ang Bicol Region, Mimaropa at Calabarzon upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga nabanggit na lugar.
Ayon kay Roque, dumaing na ang mga Local Officials sa mga nabanggit na rehiyon na ubos na ang kanilang emergency at calamity fund kaya nangangailangan na sila ng tulong mula sa National Government.
Inihayag ni Roque na handang tulungan ng national government ang Bicol Region, Mimaropa at Calabarzon upang makabangon sa pinsalang iniwan ng kalamidad.
Vic Somintac