State of emergency, bahagyang aalisin ng Japan
TOKYO, Japan (AFP) – Maagang tatapusin ng Japan sa ilang rehiyon ang coronavirus state of emergency, dahil bumagal na rin ang hawaan.
Ang emergency measure na kasalukuyang umiiral sa sampung rehiyon kabilang na ang Tokyo, ay mas maluwag kaysa umiiral na lockdown sa iba pang panig ng mundo, na nang unang ipatupad ay ipinag-utos ang pagsasara ng mga bar at restaurant mula alas-8:00 ng gabi.
Batay sa mga ulat, nakatakda itong matapos sa Marso a-7, ngunit aalisin na ito ng gobyerno ngayong Linggo, mas maaga ng halos higit isang linggo, sa nasa anim na prefectures.
Sinabi ng top government spokesman na si Katsunobu Kato, na ilang prefectures ang humiling na alisin na ang state of emergency, at ang gobyerno ay magpiprisinta ng isang plano ng kanilang gagawin bago ang pormal na desisyon.
Ngayong Biyernes ay inaasahang magkakaroon na ng pormal na anunsyo tungkol sa pagtatapos ng state of emergency sa Linggo.
Ang virus measure ng Japan ay hindi kasing higpit ng sa ibang lugar, kung saan ang binibigyang diin ay ang pagsusuot ng mask.
Sa unang bahagi ng Pebrero, nagpasa ang parliyamento ng isang bagong batas na nagdaragdag ng enforcement measures, kabilang na ang pagpapataw ng multa sa mga negosyong hindi magsasara ng maaga.
Ang bagong batas ay nagkabisa, sampung araw pagkatapos itong maipasa.
Sa kabila ng pinakahuling pagtaas sa kaso, maliit lamang ang nangyaring COVID-19 outbreak sa Japan, kung saan higit 7,700 lamang ang nasawi.
Inilunsad ng Japan ang kanilang vaccination programme nitong nakalipas na linggo, kung saan nasa 22,000 health workers na ang nabakunahan.
Ang pagtugon ng Tokyo sa pandemya ay mahigpit na sinusubaybayan ng mundo, dahil sa mga pagdududa sa pagpapaliban ng Tokyo Olympics, na nakatakdang magsimula sa July 23,
Ang mga organiser ay naglatag nang mga hakbang na anila’y magpapanatiling ligtas sa Olympics, kahit pa hindi na gawing requirement sa mga participant na sila ay bakunahan o i-quarantine pagdating sa Japan.
© Agence France-Presse