Sto. Tomas, Pangasinan nagsagawa ng Earthquake Drill
Nilahukan ng mga residente ng Sto. Tomas, Pangasinan ang isinagawang Community-Wide Earthquake Drill sa kanilang bayan.
Pagkarinig ng hudyat ay sabay-sabay na lumabas sa kani-kanilang tahanan ang mga residente upang isagawa ang “Duck, Cover and Hold,” na mahalagang dapat tandaan sa panahon ng paglindol upang makaiwas sa sakunang dulot nito.
Pansamantala ring isinara ng labing-limang minuto ang pangunahing kalsada sa lugar, upang bigyang daan ang naturang programa at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Sa pangunguna ng alkalde ng bayan na si Mayor Timoteo “Dick” Villar III kasama ng lahat ng nasa Local Government Unit, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, DepEd at Barangay Officials, ay matagumpay na naisagawa ang nasabing drill.
Ipinakita rin dito ang tamang paraan ng pagresponde ng mga nasa rescue unit kapag may biktimang nagtamo ng pinsala sa katawan sa panahon ng sakuna.
Ayon sa alkalde, taon taon ay isinasagawa ang naturang aktibidad sa bawat paaralan at sa mismong munisipiyo lamang, ngunit ngayon ay minarapat nilang isagawa ito sa buong bayan upang magkaroon din ng kahandaan sa panahon ng paglindol hindi lamang ang mga estudyante at mga kawani ng lokal na pamahalaan, kundi maging ang mga mamamayan.
Bago isagawa ang naturang drill ay kinunan muna ng body temperature, nag hand sanitize at lahat ay may suot na facemask at faceshield bilang pagtugon pa rin sa ipinatutupad na health protocol ng pamahalaan.
Nananatili namang COVID-free ang bayan at walang naitalang bagong kaso na nagpositibo sa sakit.
Ulat ni Peterson Manzano