Stonehenge nais isama ng UNESCO sa talaan ng endangered heritage sites
Inirekomenda ng UNESCO, ang cultural organisation ng UN, na idagdag ang Stonehenge na isang kilalang prehistoric site sa England, sa kanilang ‘danger list’ ng world heritage.
Ang lugar ay binabantayan ng UN dahil sa plano ng gobyerno ng Britanya na magtayo ng isang kontrobersiyal na road tunnel malapit sa nabanggit na world heritage site, sa southwestern England.
Inirekomenda ng World Heritage Committee na mairagdag ang Stonehenge sa danger list ng UN body na may layuning makakuha ng international support.
Ang desisyon ay pagbobotohan ng mga miyembrong estado ng World Heritage Committee sa isang pagpupulong na gaganapin sa New Delhi sa July.
Isang diplomat ang nagsabi na ang desisyon ay malamang na maaprubahan.
Ang Stonehenge ay noong 1986 pa nagtataglay ng UNESCO world heritage status.
Para sa ilang mga bansa, ang mapasama sa danger list ng UN heritage ay nakawawala ng ‘dangal.’
Noong July ng nakalipas na taon ay inaprubahan ng British government ang konstruksiyon ng isang kontrobersiyal na road tunnel malapit sa Stonehenge, sa kabila ng mga pagsisikap ng campaigners na pigilan ang £1.7 billion ($2.2 billion) project.
Ayon sa naturang diplomat, nagpasya ang London na aprubahan ang proyekto sa kabila ng “paulit-ulit na mga babala mula sa World Heritage Committee simula pa noong 2017.”
Ang pinaplanong tunnel ay magpapagaan sa bigat ng daloy ng trapiko sa kasalukuyang main road patungo sa southwest England, na partikular na nagsisikip sa panahon ng kasagsagan ng holiday season.
Nagbabala ang mga eksperto sa isang “permanente at hindi na maisasa-ayos na kasiraan” sa lugar.
Itinayo sa pagitan ng humigit-kumulang 3,000 at 2,300 BCE, ang Stonehenge ay isa sa ‘pinakamahalagang prehistoric megalithic monuments sa mundo,’ kung ang pag-uusapan ay ‘sukat, sophisticated layout at architectural precision.’
Ang UNESCO ay mayroong talaan ng mga lugar na nagtataglay ng World Heritage status sa buong mundo, isang prestihiyosong titulo na pinaglalaban-labanan ng mga bansa para maigawad sa kanilang mga sikat na natural at man-made locations.
Ang makasama sa talaan ay makatutulong sa pagpapasigla sa turismo, ngunit may kaakibat itong mga obligasyon na protektahan ang lugar.
Nawala sa port city ng Liverpool sa northwest England ang kanilang World Heritage status dahil sa itinayo nilang docks noong 2021, matapos magkonklusyon ang mga eksperto ng UNESCO na ang bagong real estate developments sa lungsod ay lubhang nakasira sa historical fabric nito.