“Stringent protocols” sa pagpasok sa Pilipinas, aalisin na sa pagtatapos ng taon – Tourism Sec. Frasco
Maaari nang mawala ang mga mahigpit na COVID-19 health protocol para sa mga turista at iba pang mga pumapasok sa Pilipinas.
Sa pagbubukas ng Philippine Travel Exchange (PHITEX) 2022 sa Pasay City, inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco na naiintindihan ng Department of Tourism (DOT) ang mga concern ukol sa “stringent protocols” sa pagtungo sa Pilipinas.
Kaugnay nito, inanunsiyo ni Frasco na ang direksyon ng Pamahalaang Marcos ay alisin na ang mga nasabing protocols sa pagtatapos ng taon.
Hindi naman idinetalye ng kalihim kung anu-anong protocols ang posibleng tatanggalin.
Pero, sinabi ni Tourism Promotions Board (TPB) Chief Operating Officer Maria Margarita Nograles na isa sa mga inirekomenda ni Frasco sa IATF ay ang pagrekonsidera sa pag-alis sa One Health Pass na inoobliga sa mga pumapasok sa bansa.
Sa panig ng TPB, sinabi ni Deputy COO for Marketing and Promotions Charles Aames Bautista na ang mungkahi nila ay ang pag-streamline sa proseso at pagbutihin ang information dissemination ukol sa One Health Pass.
Tiwala si Frasco sa “new era” at sa recovery ng turismo sa bansa lalo na’t nasa 1.7 milyon na ang foreign tourist arrivals ngayong Oktubre na lagpas na sa target ng DOT para sa katapusan ng taon.
Inaasahan din ng kalihim na mas darami ang tourist arrivals at activities sa bansa dahil sa mga papalapit na holiday season na lalo pang magpapalago sa industriya.
Moira Encina