Substitution ni ex-Comelec Commissioner Guanzon bilang first nominee ng P3WD Party List, kinuwestiyon sa SC
Dumulog sa Korte Suprema ang Duterte Youth Party List para pigilan ang pag-substitute ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon bilang first nominee ng P3WD Party List.
Sa kanilang petisyon sa Supreme Court, iginiit nina Duterte Youth Party List Chair Ronald Cardema at asawang si Representative Ducielle Marie Cardema na hindi valid ang substitution ni Guanzon at ng apat na iba pang bagong nominees ng P3WD.
Ipinunto ng petitioners na ginawa ang withdrawal at substitution nina Guanzon pagkatapos na ng eleksyon na lagpas na sa deadline na itinakda ng Comelec noong Nobyembre 2021.
Lumabag din anila sa Anti- Graft law si Guanzon dahil sa kakaretiro pa lang nito sa Comelec at kabilang sa mga nagapruba sa mga partylist na isinama sa balota.
Ayon pa sa mag-asawang Cardema, umabuso sa kapangyarihan ang poll body sa ginawa nitong pag-apruba sa iligal na substitution nina Guanzon.
Duda rin ang petitioners sa bilis nang pag-apruba ng Comelec sa paghalili ni Guanzon na inaksyunan sa loob lamang ng isang araw.
Kumbinsido sina Cardema na may katiwalian at planado ang ginawa nina Guanzon lalo na’t nanumpa na ang mga original nominees ng P3WD.
Kaugnay nito, hiniling ng Duterte Youth Party List na mag-isyu ang SC ng TRO para hadlangan ang paglalabas ng Comelec ng certificate of proclamation kay Guanzon bilang P3WD first nominee.
Respondents sa petisyon ang Comelec at ang Kamara.
Moira Encina