Sumangguni sa Doktor kung may Kulani o Bukol sa Leeg

Magandang araw sa inyo mga Kapitbahay! May napapansin ba kayong bukol na tumubo sa inyong head or neck area? Baka makatulong ang ating pag-uusapan ngayon kasama si Dr. Rene Louie Candido Gutierrez, Head and Neck Surgeon, East Avenue Medical Center.

          Ang sabi ni Dr. Louie, kapag napansin na may tumubong bukol o kulani, magpasuri sa doktor para matingnan at maipaliwanag kung ano ang uri ng bukol. Bagaman karaniwang may kulani sa leeg para panlaban ng katawan sa mga impeksyon, subali’t kung may kaakibat na bukol na hindi gumagaling, nagdurugo o patuloy ang paglala at ang kulani ay lumalaki at tumagal na ng tatlong linggo o higit pa, kailangan nang magpatingin sa isang espesyalista para makita at masuri kung delikado ba ang bukol.

Dr. Louie Gutierrez /ENT Head & Neck Surgery Consultant

          Nasabi ni Doc Louie ang risk factors at ito ay kinabibilangan ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pag-nganganga o yung paggamit ng betel nut, pagkabilad sa araw, radiation at trauma.

          May bukol na nakikita sa mga matatanda lalo na yaong mga nasa probinsya. Ito ang bukol na tumubo sa gilagid na lumalaki at nagdurugo. Puwede aniyang nakuha ito mula sa pagnganganga o paninigarilyo pabaliktad. Ito ay nagdudulot ng bukol o sugat na hindi gumagaling sa loob ng oral cavity na maaaring magresulta ng kanser sa oral cavity area. Mahalagang makita ito ng doktor para masuring mabuti.

          Samantala, mayroon din mga singaw sa dila na hindi gumagaling at sugat sa gilid na bahagi ng dila. Sabi ni Doc Louie, sa ganitong mga sitwasyon ay posibleng mauwi sa pagtatanggal ng dila o yaong tinatawag na glossectomy na ang epekto ay mahihirapan sa pagsasalita at paglunok kaya importante na masuri.

          Karaniwan ang mga bukol na “cancerous” ay makikita sa lateral area ng dila. Kung titingnan ay maliit na singaw pero hindi gumagaling agad. Kaya kapag tumagal ng tatlong linggo o higit pa, kailangang maipa-biopsy para malalaman kung anong uring kanser ito.

          Samantala, sa mga naninigarilyo at napapansin na namamaos na ang kanilang boses at nararamdamang may bukol na sa lalamunan, binigyang-diin ni Doc Louie na karaniwan nang ginagamitan ng endoscopy upang makita kung anong klaseng bukol ito at para sa biopsy para alamin kung malignant. Kung malignant ay kailangang tanggalin ito dahil hindi malulusaw ng pag-inom ng gamot.

          At panghuli, naitanong natin ang ukol sa papillary cancer of the thyroid.  Ang sabi ni Doc Louie, ito ay isa sa karaniwang uri ng cancer of the thyhroid gland at karaniwang makikita sa mga kababaihan. After na ma-biopsy, kapag nakitang papillary thyroid, tinatanggal ito o isinasailalim sa total thyroidectormy ang pasyente at oobserbahan kung muling tumubo o hindi.

  Sana ay nakatulong kaming muli sa inyo, ’til next time!

        

Please follow and like us: