Summary ng 52 drug war cases, isinapubliko na ngayong araw ng DOJ
Inilabas na ngayong umaga ng DOJ ang 20-pahinang detalye ng 52 drug war cases mula sa PNP na nirebyu ng kagawaran.
Ang mga nasabing kaso ay kinasasangkutan ng mga pulis sa anti illegal drugs operations mula 2016 hanggang 2020 kung saan may namatay o nasugatan na suspek.
Naglalaman ang summary ng mga kaso ng pangalan ng mga namatay na suspek, petsa at lugar ng insidente, rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service laban sa mga police respondents at ang obserbasyon ng DOJ Review Panel.
Hindi kasama sa impormasyon ang pangalan ng mga pulis na sangkot.
Bukod sa buy-bust operations, ang mga insidente ng pagkamatay ay nangyari sa implementasyon ng search o arrest warrant.
Isa naman sa 52 kaso ay walang napaslang kundi sugatan lang ang mga suspek.
Nagpasya ang DOJ na isapubliko ang mga nasabing impormasyon para maipaalam sa pamilya ng mga namatay na suspek na dinidetermina ang posibleng kriminal na pananagutan ng mga pulis sa sirkumstanya na pumapalibot sa bawat insidente ng pagkamatay.
Umaasa ang DOJ na mahimok din ang iba pang testigo na lumantad at magbigay ng salaysay sa NBI ukol sa kanilang nalalaman sa mga nasabing kaso para sa ikareresolba nito.
Sinabi pa ng DOJ na batid nito ang importansya ng transparency sa ginagawang pagrebyu ng gobyerno sa war on drugs.
Una na ring hinimok ng UN High Commissioner for Human Rights ang DOJ na ilahad sa publiko ang findings nito sa drug war killings.
Moira Encina