Sumukong master initiator sa Salilig case, inaasahang isasalang sa inquest ngayong Biyernes sa DOJ
Isasailalim sa inquest proceedings sa DOJ ngayong Biyernes ang isa pang sumukong suspek sa pagkamatay ng hinihinalang hazing victim na si John Matthew Salilig.
Tinukoy ni Biñan City police chief PLt. Col. Virgilio Jopia ang suspek na si Daniel Perry alyas Sting.
Ang lalaki ay ang sinasabing master initiator sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi – Adamson University Chapter.
Kasama rin ang nasabing fraternity member sa naglibing umano kay Salilig sa bakanteng lote sa Imus, Cavite.
Sumuko ang suspek noong Huwebes kay Cavite Governor Jonvic Remulla at pagkatapos ay itinurn over sa Biñan City police.
Ayon kay Jopia, tinatapos lang nila ang mga documentation sa isasampang reklamo laban sa suspek ngayong umaga.
Posible aniyang makatapos ang pananghalian ay tumungo na sila sa DOJ para iharap ang suspek.
Samantala, sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na submitted for resolution na ang reklamong obstruction of justice laban sa ama ng isa sa mga suspek.
Ayon kay Clavano, maaari ngayong araw ay ilabas na ng piskal ang resolusyon sa reklamo.
Hindi na isasailalim sa preliminary investigation ang reklamo laban sa tatay matapos na ituloy ang inquest proceedings dito.
Moira Encina