Halos 100 bahay sa Brgy. Sauyo QC, natupok ng apoy
Nasa halos 100 kabahayan sa Area 5-B, Sitio Cabuyao, Barangay Sauyo, Quezon City ang tinupok ng apoy sa malaking sunog na nangyari ngayong umaga.
Sa ulat ni Eagle correspondent Ian Jasper Eleazar, umabot ng Task Force Bravo ang sunog bandang alas-10:24 ng umaga na nagsimula pasado alas-8:00 ng umaga rin.
Pero batay sa imbestigasyon, kagabi pa lamang ay may napaulat nang pumutok na kable ng kuryente sa nasabig lugar na naging sanhi ng pagkawala ng kuryente ng ilang mga residente.
Alas-10:53 na ng umaga nang ideklarang fire-out ang sunog sa residential area na pawang gawa sa light materials.
Naging pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil sa dikit-dikit na mga bahay at makikitid na daanan at iskinita.
Nasa mahigit 200 residente naman ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa Basketball court ng Barangay Sauyo at sa Sauyo High-School.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon at hinihinalang ang pumutok na kable ng kuryente ang naging sanhi ng sunog.