Sunog sa Zamboanga del Sur kung saan natupok ang halos 150K Covid vaccines, maaaring paimbestigahan sa NBI
Posibleng pumasok ang NBI sa imbestigasyon sa sunog sa Provincial Health Office ng Zamboanga del Sur noong Linggo kung saan natupok ang mahigit 148,000 na COVID-19 vaccines.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, hihintayin ng DOJ ang inisyal na assessment ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa insidente.
Sa oras aniya na may indikasyon ng foul play sa sunog ay aatasan niya ang NBI regional office na imbestigahan ang pangyayari.
Kinumpirma ng National Task Force Against COVID- 19 na nasunog ang halos 150,000 doses ng bakuna ng Pfizer, Sinovac, Moderna, at AstraZeneca.
Ang mga Moderna vaccines na nadamay sa sunog ay gagamitin sana sa pediatric vaccination habang ang AstraZeneca ay para sana sa ikalawang dose.
Natupok rin ng apoy ang ilang immunization vaccines.
Tiniyak ng pamahalaan na papalitan ang mga nasirang bakuna sa oras na may bagong storage facility na maaari nang pagimbakan sa lugar.
Moira Encina