Sunog, sumiklab sa Araneta Bridge
Pasado alas 8 – ng umaga ng mabulaga ang mga motoristang dumadaan sa Araneta bridge dahil sa makapal na usok.
Dahil rito, pansamantala rin munang isinara ang bahagi ng Araneta bridge na sakop ng San Juan.
Ang usok, nanggaling pala sa ilalim ng Araneta bridge.
Mabilis namang naapula ang apoy na ayon sa mga bumbero, mga basurang nasunog at may mga kasama pang lumang gulong.
Hindi naman umakyat sa unang alarma ang sunog.
Ayon kay Bong Divina, dalawang batang nangangalakal ang nakita niyang nagsunog ng wire para makakuha ng tanso.
Kwento naman ng estero ranger na si Kathy Barera, madalas siyang makakita ng mga nangangalakal na nagsusunog ng wire sa lugar.
Pero ayon sa Bureau of Fire, patuloy pa ang kanilang imbestigasyon kung ano nga ba talaga ang pinagsimulan ng apoy.
Matapos maapula ang sunog bandang 9:19 ng umaga, agad rin namang nilinis ng mga taga BFP ang ilalim ng tulay na napuno ng itim na mantya.
May mga dumating din para inspeksyunin kung naapektuhan ng sunog ang tulay.
Madelyn Villar – Moratillo