Super Typhoon Chantu, nagbabanta kapwa sa Pilipinas at Taiwan
Isang super typhoon na mabilis na nabuo sa loob lamang ng 48 oras, ang nagbabanta kapwa sa Pilipinas at Taiwan, taglay ang mapaminsalang lakas ng hangin at malakas na mga pag-ulan.
Ayon sa central weather bureau ng Taiwan, ang bagyong Chantu ay nasa halos 580 kilometro sa timogsilangan ng southernmost tip ng Taiwan, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 234 kilometers bawat oras.
Ayon naman sa PAGASA, ang bagyo ay inaasahang sasagi sa northeastern tip ng bansa mamayang hapon o gabi.
Nagbabala ang PAGASA ng mapaminsalang hangin sa bayan ng Sta. Ana, kung saan naninirahan ang may 35,000 katao, at maging sa silangang bahagi ng remote Babuyan Islands.
Aabot naman sa 2.5-10 metro ang magiging taas ng alon sa karagatan.
Sinabi ni Rogelio Sending, provincial information officer, na ipinag-utos na ng gobernador ng Cagayan sa mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, maliban yaong nasa frontline services, na manatili sa kanilang tahanan at patibayin ito.
Base sa karamihan sa mga pagtaya, ang bagyong Chantu ay maaaring direktang tumama sa Taiwan ngayong weekend.
Ayon kay Taiwanese forecaster Hsu Chung-yi . . . “It will be closest to Taiwan on Saturday and Sunday. (The public) should take precautions against strong winds and downpours.”
Namangha ang meteorologists kung paano mabilis na naging malakas na bagyo si Chantu, makaraang unang lumitaw nitong Lunes sa pagitan ng Guam at Pilipinas.
Ayon kay Sam Lillo, isang researcher sa US National Oceanic and Atmospheric Administration . . . “Chantu went from a depression to a category-5-equivalent typhoon in 48 hours. Only five storms, all this century have done that.”
Sa nakalipas lamang na dalawang araw, ang bilis ng hangin ni Chantu ay naging 30 miles per hour hanggang 160 miles per hour.
Matagal nang nagbabala ang mga siyentista, na ang mga bagyo ay magiging mas malalakas na at magiging mabilis ang kanilang paglakas, bunsod ng pag-init ng mundo dahil sa climate change na gawa rin ng mga tao.
Batay sa isang artikulong isinulat ng NASA tungkol sa bagyo sa kanilang Earth Observatory blog . . . “This week, Super Typhoon Chantu provided another stark example of how quickly a storm can strengthen.”
Sinabi ng meteorologists, na bagama’t si Chantu ay malakas, hindi ito malawak at maaaring maging unpredictable.
Sinabi ng hurricane scientist na si Jeff Masters . . . “Small tropical cyclones are capable of very rapid intensity changes, both strengthening and weakening.”
Sa projection naman ng Hong Kong Observatory, ang bagyong Chantu ay hihina mula sa pagiging super ay magiging severe typhoon na lamang ito sa Linggo habang papalapit sa southeastern coast ng Taiwan.