Super Typhoon Yagi patungo na sa southern China
Dalawang araw nang sarado ang mga paaralan at kanselado rin ang biyahe ng mga eroplano, dahil sa Super Typhoon Yagi, isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Asya ngayong taon, na nakatakdang maglandfall sa tropical coast ng Hainan, sa China.
Taglay ang maximum sustained winds na 245 km per hour (152 mph) malapit sa mata nito, si Yagi ay narehistro bilang pangalawang pinakamalakas na tropikal na bagyo ngayong 2024 sa ngayon, pagkatapos ng Category 5 Atlantic hurricane Beryl.
Higit sa pagdoble ng lakas mula nang salantain nito ang hilagang Pilipinas noong unang bahagi ng linggong ito, inaasahang magla-landfall si Yagi sa baybayin ng China mula Wenchang sa isla ng Hainan, hanggang Leizhou, sa lalawigan ng Guangdong ngayong Biyernes ng hapon.
People take a selfie as typhoon Yagi approaches in Hong Kong, China September 5, 2024. REUTERS/Tyrone Siu
Pagkatapos ay hinuhulaang tatama ito sa Vietnam at Laos.
Ayon sa Civil Aviation Authority ng Vietnam, apat na mga paliparan sa hilaga, kabilang ang Noi Bai International sa Hanoi, ay isasara bukas, Sabado dahil sa bagyo.
Sa nakalipas na magdamag at nitong Biyernes ng umaga, ang mga hangin at ulan ay sinabayan ng malalakas na kulog at kidlat sa buong rehiyon.
Sinabi ni Qizhao, isang magsasaging sa village ng Gaozhou sa Guangdong, “I’m worried about this typhoon. It could destroy months of hard work,” at idinagdag na tinutukuran na ng banana farmers ang mga puno ng saging upang protektahan ang mga ito laban sa hangin.
Karamihan sa mga transportasyon sa buong southern China ay isinara ngayong Biyernes kung saan maraming flight ang nakansela sa Hainan, Guangdong, Hong Kong at Macau.
Isinara na rin ang pinakamahabang sea crossing sa mundo, ang pangunahing tulay na nag-uugnay sa Hong Kong sa Macau at Zhuhai sa Guangdong.
Maraming mga negosyo, kabilang ang mga pabrika, ang nagsara na rin bilang pag-iingat.
A window is taped in anticipation of typhoon Yagi at a clothing store in Hong Kong, China September 5, 2024. REUTERS/Tyrone Siu
Samantala, sa financial hub ng Hong Kong, sarado na ang stock exchange at namalaging sarado ang mga paaralan.
Sinabi ng Hong Kong observatory, na ang typhoon 8 signal, ang ikatlong pinakamataas, ay ibababa mamayang 12:40pm, habang inaasahang unti-unting hihina ang hangin habang papalayo si Yagi, na magbibigay pagkakataon naman sa mga negosyo na muli nang magbukas.
Gayunman, ayon sa observatory, ang matinding rainbands na kaugnay ni Yagi ay magdadala pa rin ng malalakas na mga pag-ulan sa teritoryo, kaya nagbabala ito sa mga residente na lumayo sa baybayin.
Nagpadala naman ang gobyerno ng China ng mga task force sa Guangdong at Hainan para magbigay ng gabay tungkol sa baha at typhoon prevention.
Ayon sa Xinhua, ang official news agency ng China, nagpalabas na ang mga awtoridad ng high risk warnings para sa geological disasters sa northern Shanxi, southern Guangdong at karamihan ng mga lugar sa Hainan island.
Sa ilang larawang lumabas sa social media, makikita ang mga lansangan ng Haikou, kabisera ng Hainan na walang tao dahil ang mga ito ay hindi nagsilabas.
Si Yagi ay nakatakdang maging pinakamatinding bagyong magla-landfall sa Hainan mula noong 2014, nang ang Bagyong Rammasun ay humampas sa isla bilang isang Category Five tropical cyclone.
Namatay dahil kay Rammasun ang 88 katao sa Hainan, Guangdong, Guangxi at Yunnan at nagdulot ng pagkalugi sa ekonomiya ng mahigit 44 bilyon yuan ($6.25 bilyon).
Nabuo sa mainit na dagat sa silangan ng Pilipinas at katulad ng nilandas ni Rammasun, inaasahang darating si Yagi sa China bilang isang Category Four na bagyo, na maghahatid ng malakas na hangin na maaaring magpabaligtad sa mga sasakyan, bumunot ng mga puno at sumira ng mga kalsada, tulay at gusali.
Ang inaasahang pag-landfall nito sa Hainan ay bihira, dahil karamihan sa mga bagyong dumarating sa duty-free island ay inuri bilang mahina. Mula 1949 hanggang 2023, 106 na bagyo ang tumama sa lupa ng Hainan ngunit siyam lamang ang inuri bilang super typhoon.