Suplay ng bangus sa bansa hindi magkukulang kahit may fishkill sa Dagupan, Pangasinan – BFAR
Isolated cases lamang ang nangyayaring fishkill sa Dagupan, Pangasinan.
Kasabay nito, nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi dahil sa matinding init ng panahon namamatay ang mga bangus sa mga fishpond sa Dagupan kundi dahil sa mga thunderstorms.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni Officer-in-Charge ng Aquacultuture Division-BFAR Central Office Roy Ortega na tuwing tag-araw ay nangyayari ang biglaang pagbuhos ng ulan o thunderstorms sa dakong hapon.
Sa ganitong mga panahon, aktibo ang mga plankton plants, ito ay maliliit na mga halaman na nabubuhay sa mga tubig alat at tubig tabang na nagpo-produce ng oxygen.
Paborable sa mga halamang ito ang maaraw na panahon at mainit-init na tubig pero sa sandaling biglang bumuhos ang ulan ay namamatay ang mga ito at sabay ding nawawala ang oxygen sa tubig na kailangan ng mga bangus kaya ang mga ito ay unti-unti ring namamatay.
Tiniyak rin ni Ortega na walang nangyayaring kakapusan ng bangus sa bansa dahil mas stable ang tubig sa mga marine cages.
Batay sa ulat, aabot sa mahigit 10,000 mga isda sa mga palaisdaan sa Dagupan city ang nangamatay.
” Tandaan po natin dyan sa lalawigan ng Pangasinan ang pinakamalaking produksyon ng bangus dyan ay ang: Anda, Bolinao at Sual. Yung sa Dagupan ay karamihan mga fishpond. Pero sa mga marine cages ay mas stable ang water quality kaysa sa mga fishpond, mas malawak at mas malalim na tubig dagat ang kanilang lokasyon. Kaya sa tingin namin isolated case lang ang nangyayaring fishkill sa Dagupan”.- Roy Ortega, OIC Aquacultuture Division-BFAR Central Office