Suplay ng sibuyas kinokontrol pa rin ng mga kartel kaya hindi bumababa ang presyo
Kontrolado pa rin ng mga kartel ang suplay ng sibuyas kaya nananatiling mataas ang presyo nito sa mga pamilihan.
Ayon kay Senador Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture, napatunayan nila sa imbestigasyon ng Senado noong 2013 na umiiral ang mga kartel na siyang nagdidikta ng presyo ng sibuyas.
Hanggang ngayon ang mga ito ang namimili ng sibuyas sa mga magsasaka, binabarat at sila rin ang nagtatago ng suplay para lumikha ng artificial demand para maitaas ang presyo.
Iginiit ng Senador na dapat ang gobyerno na ang namimili sa mga magsasaka ng sibuyas para direkta itong maideliver sa mga consumer at matigil na ang pananamantala ng mga trader.
Hindi naman pabor ang Senador na umangkat ng sibuyas ang gobyerno para mapababa ang suplay.
Para sa kanya kailangan lang umangkat kung may kakapusan ng suplay pero sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa may suplay ng sibuyas dahil umani na ang ilang mga magsasaka sa Pangasinan at Nueva Ecija.
Meanne Corvera