Suplay ng tubig sa Basilan, nasa critical level na

Nasa kritikal at alarming level na ang surface water source ng Isabela Water District (ISAWAD) sa Isabela City, Basilan na siyang ibinabahagi sa mahigit na 9,000 mga consumers ng tubig sa syudad.

Ayon kay ISAWAD General Manager Aleli Almodovar, marami na silang natatanggap ng mga reklamo sa kawalan ng tubig lalung-lalo na sa mga matataas na lugar sa syudad gaya ng La Paz sa Barangay Sunrise kung saan tatlong araw nang nakakaranas ng kawalan ng tubig.

Nagsagawa na ng emergency delivery ang ISAWAD at inayos ang mga nakabarang tubo papunta sa lugar.

Ngunit aasahan pa rin ang madalang na pagdaloy ng tubig dahil  ito ay nasa mataas na lugar at mababa na ang pressure ng patubig.

Naglabas ng mga imahe ang Isawad sa ginawang pagpupulong kasama ang City Disaster Risk Reduction Council (CDRRMC) at ipinakita ang sitwasyon ng pinagkukunan ng tubig.

Nakita sa mga imahe ang mababang lebel ng tubig at hindi na nakababad ang mga tubo sa halos lahat ng water sources galing ng Aguada Bucol falls, Menzi, Kapatagan Grande, Salunoy, Panunsulan, at Kapatagan Diutay.

Dahil dito walang tubig na dumadaloy papuntang treatment facility para maibahagi naman sa mga kabahayan sa syudad.

Nanawagan na ang distrito ng patubig sa publiko na seryosohin ang pagtitipid ng tubig sa kabahayan at asahan ang kakaunting tubig na lalabas sa mga gripo sa darating pang mga araw at buwan dahil sa napipintong pagpasok ng El Niño.

Pinakiusapan naman ni Almodovar ang mga consumers na huwag saktan at pagbuntong-hingahan ng galit ang mga empleyado ng ISAWAD dahil sa kawalan ng tubig.

Samantala, minamadali na rin ng ISAWAD ang pagbili ng mga malalaking tangke para sa mga emergency distribusyon na gagawin at paghahanap pa ng ibang pagkukunan ng tubig sa isla ng Basilan.

 

Ulat ni Ely Dumaboc

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *