Supporters ni Robredo, ipinapatigil sa SC ang Oplan Baklas ng COMELEC
Nais ng ilang taga-suporta ni presidential candidate at Vice- President Leni Robredo na ipahinto ng Korte Suprema ang Oplan Baklas o pagtanggal ng COMELEC sa campaign posters.
Partikular na kinuwestiyon ng mga supporters ni Robredo ang pagbaklas ng poll body sa mga campaign materials na nasa bahay o private property ng mga volunteers at tagasuporta ni Robredo.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng mga ito sa SC na maglabas ng TRO at ideklarang labag sa Saligang Batas ang probisyon sa regulasyon ng poll body na pinagbabasehan sa pag-alis sa mga election materials na pag-aari o pinondohan ng mga volunteers at pribadong mamamayan na nasa kanilang private property.
Nanawagan din sila sa SC na ipagutos sa COMELEC na ibalik ang mga kinumpiskang campaign posters.
Iginiit ng petitioners na aplikable lamang sa mga kandidato at political parties ang regulasyon ng COMELEC sa mga campaign tarpaulins.
Anila walang legal na batayan ang pag-regulate sa political expression ng mga pribadong indibiduwal.
Ayon pa sa petitioners, pagsagka sa freedoms of speech, expression, at due process kung hahayaan ang COMELEC sa interpretasyon ng polisiya nito laban sa election posters.
Moira Encina