Supporters ni VP Leni Robredo, naghain ng cyber libel complaint laban sa isang doktor
Sinampahan ng reklamong cyber libel sa piskalya sa Quezon City ang isang doktor dahil sa mga sinasabing peke at malisyosong posts sa social media laban sa mga tagasuporta ni Vice- President Leni Robredo.
Partikular na inireklamo ang isang Dr. Jack Gonzales Arroyo Jr.
Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo laban sa doktor ang mga supporters ni Robredo na lumahok sa “The Caravan of Hope” motorcade sa Marikina noong October 23, 2021.
Nag-ugat ang kaso sa post ni Arroyo na nagsasabing binayaran ang lahat ng sumali sa motorcade.
Sa nasabing post ni Arroyo na unavailable na sa Facebook, sinabi nito na ang lahat ng gumamit sa campaign materials ni Robredo ay binigyan ng Php 300 at face mask, at ang mga may-ari ng sasakyan ay binayaran ng Php 2,000.
Ayon sa mga complainant, nagresulta sa panlalait, pangungutya at public humiliation sa kanila ang akusasyon ng doktor.
Iginiit ng mga complainant na wala silang tinanggap na bayad at boluntaryong sumali sa motorcade bilang suporta sa kandidatura ni Robredo.
Naghain raw sila ng reklamo para papanagutin ang doktor at mapigilan ang iba pa na magpakalat ng kasinungalingan sa social media.
Naniniwala ang grupo na lalo pang dadami ang trolling at disinformation operation sa oras na magsimula ang campaign season.
Ang respondent na si Arroyo ay sinasabing retiradong medical doctor at ophthalmologist.
Batay sa Facebook page nito, si Arroyo ay direktor sa SMC Global Power Holdings Corp. at alumnus ng U.P. College of Medicine.
Moira Encina