Supreme Court, itinaas sa 400,000 piso ang halaga ng maaaring isampa sa mga small claims court
Mula sa 300 thousand pesos, itinaas ng Korte Suprema sa 400 thousand pesos ang limitasyon para sa mga small claim cases na maaring isampa sa mga Metropolitan Trial Courts simula sa darating na Abril.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Diosdado Peralta, chairperson ng Special Committee on Small Claims Cases, ang nasabing hakbang ng Korte Suprema ay magpapabilis sa mga resolusyon ng mga money claims cases sa mga first level courts.
Makakatulong din anya ito para umangat ang antas ng Pilipinas sa Ease of Doing Business Report ng World Bank.
Sa 2019 report ng World Bank ay bumaba sa ika-124 na ranking ang Pilipinas mula sa 113th ranking noong 2018 mula sa 190 bansang saklaw nito.
Sinabi pa ng Korte Suprema na dahil sa reporma ay bababa rin ng 20 porsyento ang gastos ng mga claimant dahil hindi na kailangan ng mga ito ng abogado para kumatawan sa mga small claim cases.
Sa ilalim ng Revised Rules of Procedure for Small Claims Cases, kailangang resolbahin ng mga korte ang kaso sa loob ng 30 araw simula nang ihain ang statement of claim.
Ulat ni Moira Encina