Supreme Court Justice Noel Tijam, hindi mag-i-inhibit sa Quo warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Sereno
Tinanggihan ni Associate Justice Noel Tijam ang hirit ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na mag-inhibit siya sa deliberasyon ng Korte Suprema sa Quo Warranto case laban dito.
Si Tijam ang naatasang magsulat ng desisyon sa Quo Warranto petition laban kay Sereno at isa sa limang mahistrado na pinag-iinhibit ng Punong Mahistrado.
Sa draft resolution ni Tijam, sinabi nito na walang basehan ang mosyon at malinaw na hindi suportado ng sapat na katibayan ang alegasyon ni Sereno na biased siya laban dito.
Ayon kay Tijam, ang mga pahayag ni Sereno ay layuning siraang puri ang integridad at kakayanan ng mga mahistrado ng Supreme Court.
Dapat anyang mapatunayan ng isang movant ang batayan ng bias o prejudice sa pamamagitan malinaw at kapani-paniwalang ebidensya para madiskwalipika ang isang hukom sa paglahok sa isang partikular na paglilitis.
Sa mosyon ni Sereno sinabi nito na ang nga pahayag ni Tijam sa impeachment hearing sa House Justice Committee ay nagpapakita ng posisyon nito na dapat mapatalsik ito sa puwesto.
Ipinunto pa nito ang pagsusuot ng pulang kurbata ni Tijam sa flag- raising ceremony noong March 12 na tinaguriang Red Monday protest.
Pero nilinaw ni Tijam na sa kanyang mga naging testimonya sa impeachment proceedings sa Kamara ay hinihimok niya si Sereno na humarap sa nasabing pagdinig para irespeto ang impeachment process at idepensa ang sarili.
Naniniwala si Tijam na dapat maging huwaran si Sereno sa paggalang sa Saligang Batas.
Nagkataon lang din anya ang pagkakasuot niya noon ng red tie at hindi sapat na basehan para siya madiskwalipika sa Quo warranto case.
Ulat ni Moira Encina