Supreme Court, pinagtibay ang pag-abswelto ng Court of Tax appeals kay dating Pampanga Rep. Mikey Arroyo sa kasong tax evasion
Ibinasura ng Supreme Court First Division ang petisyon ng pamahalaan na kumukwestyon sa pag-abswelto ng Court of Tax Appeals o CTA kay dating presidential son at dating Pampanga Congressman Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo.
Sa 13 pahinang extended minute resolution, sinabi ng SC First Division na hindi nito nakitaan ng iregularidad ang desisyon ng CTA na nagpapawalang-sala kay Arroyo sa tax evasion case.
Ang kaso laban kay Arroyo ay nag-ugat sa reklamo ng BIR dahil sa hindi pagbabayad nitio ng tax liabilities noong 2004 hanggang 2009, hindi paghahain ng income tax returns at hindi pagbabayad ng income taxes sa mga taong 2005, 2008 at 2009.
Paliwanag ng Supreme Court, binusisi ng CTA ang mga ebidensya at records ng tax case ni Arroyo.
Nabigo rin anila ang prosekusyon na tukuyin ang sources o pinagmulan ng sinasabing undeclared na kita ng dating Kongresista.
Ayon pa sa SC, premature ang Petition for Certiorari ng gobyerno dahil dapat muna itong naghain ng motion for reconsideration sa CTA.
Ulat ni Moira Encina