Surprise drug test, Isasagawa ng DILG sa mga tanggapang sakop nito
Paiigtingin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasagawa ng Surprise at Random Drug test sa kanilang tanggapan at iba pang ahensya na nasa ilalim ng kagawaran.
Ginawa ni DILG Sec. Benhur Abalos ang anunsyo sa isinagawang opening ng BIDA Sports and Cultural Fest ngayong umaga, June 2, sa Kampo Crame.
Sinabi ng kalihim na ang surprise drug test ay bahagi ng pagtiyak na malinis ang kanilang mga tanggapan mula sa iligal na droga sa ilalim ng BIDA workplace program.
Katunayan nakapagsagawa na aniya ang DILG ng dalawang magkasunod na random drug test kung saan wala pa namang nagpositibo.
Pahayag pa ni Abalos masusundan pa ito ng marami pang sorpresang drug testing sa lahat ng tanggapan ng DILG sa buong bansa at iba pang ahensya gaya ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Dagdag pa ni Abalos na Asahan din ang drug testing sa mga kawani ng local government units (LGUs) bilang tugon sa programa ng DILG.
Mar Gabriel