Suspek sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon sa social media kaugnay sa computer glitch sa sistema ng BPI, kinasuhan na ng NBI
Sinampahan na ng reklamo ng NBI sa piskalya ang suspek sa pagpapakalat ng pekeng impormasyon sa social media na may ilang mga account holder ang nagkaroon ng bilyun-bilyong pisong deposito sa kanilang account nang dahil sa computer glitch sa sistema ng BPI noong Hunyo.
Ayon kay NBI-Cybercrime Division Chief Head Agent Manuel Eduarte, ipinagharap nila ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office si Daniel Angelo Salasalan na pinagmulan ng unang post sa social media ukol sa 12-billion pesos na na-credit sa ilang account sa BPI.
Reklamong falsification by private individuals at use of falsified documents na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Section 4(c)(4) o online Libel ng Cybercrime Prevention Act ang ikinaso sa suspek.
Umamin si Salasalan sa imbestigasyon ng NBI na gawa gawa lamang niya ang in-upload niyang post sa social media.
Una nang sinabi ng BPI na peke ang mga dokumentong kumalat sa social media na nagpapakita na may ilan silang kliyente na nagkaroon ng 12-billion pesos na deposito sa account kasunod ng glitch sa kanilang sistema.
Ulat ni: Moira Encina