Suspek sa pangho-hostage sa isang tren sa Switzerland napatay
Napatay sa police raid ang suspek sa hostage incident sa isang tren sa kanluran ng Switzerland, at ligtas na napalaya ang mga hostage.
Sinabi ni Vaud canton police spokesman Jean-Christophe Sauterel, na ang hostage-taker ay armado ng isang palakol at isang kutsilyo at nagsasalita ng Farsi at English.
Aniya, “At this stage of the investigation, the motives of the perpetrator are not known. The hostage-taker’s identity, was still not officially confirmed, and checks were being carried out.”
Ang suspek ay binaril patay ng isang pulis, makaraan umano siyang sugurin ng suspek bitbit ang palakol.
Kabuuang 15 katao na kinabibilangan ng 14 na mga pasahero at isang konduktor ang hinostage ng suspek, na tumagal ng halos apat na oras.
Pinilit ng suspek ang konduktor ng tren na tumigil malapit sa Yverdon, sumama sa mga pasahero.
Bahagi ng negosasyon sa suspek ay ginawa sa pamamagitan ng WhatsApp at sa tulong ng isang translator na nagsasalita ng Farsi, ang lengguwaheng malawakang sinasalita sa Iran.
Sinabi ni Sauterel, na sa huli ay nagpasya na ang mga awtoridad na salakayin ang tren at gumawa ng isang maniobra upang mailayo ang suspek sa mga hostage.
Police block a road leading to a train station in Essert-Sous-Champvent, western Switzerland, on February 8, 2024. A hostage situation on a train in the west of Switzerland ended with the suspect killed in a police raid and the hostages safely freed, authorities said. (Photo by Fabrice COFFRINI / AFP)
Bihirang magkaroon ng hostage situations sa Switzerland, ngunit paminsan-minsan ay nangyayari.
Noong Enero ng 2022, hinostage ng mga kriminal ang isang mag-asawa at dalawang empleyado ng isang kumpanya, sa pagtatangkang makakuha ng access sa mga vault kung saan nakatago ang mahahalagang mga metal, ngunit sa huli ay tumakas nang hindi dala ang kaniyang ninakaw.
At noong Nobyembre ng 2021, ang direktor ng isang kumpanya ng relo at mga miyembro ng kanyang pamilya ay hinostage sa kanyang tahanan. Nagnakaw ang mga salarin ng ginto at tumakas patungo sa France.