Suspendidong abogado hihilingin sa OSG na isalang sa quo warranto proceeding si Chief Justice Sereno
Nais ng isang suspendidong abogado na magsulong ang Office of the Solicitor General ng quo warranto case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Eligio Mallari, presidente ng Vanguard of the Philippine Constitution, ito ay bunsod ng nasiwalat sa impeachment proceedings sa kamara na bumagsak si Sereno sa psychological test at hindi nagsumite ng kanyang SALN sa loob ng ilang taon bago maitalaga bilang punong mahistrado.
Iginiit ni Mallari na diskwalipikado si Sereno sa pag-upo bilang chief justice dahil sa mga naturang isyu.
Dahil dito pormal na hihilingin ni mallari sa OSG na pangunahan nito ang isang quo warranto proceeding laban kay Sereno.
Ang quo warranto ay isang legal action para resolbahin kung mayroon bang ligal na karapatan ang isang opisyal na manungkulan sa pwesto nito.
Si Mallari ay pinatawan ng suspensyon noong Enero ng Supreme Court dahil sa isyu ng delaying tactic sa kaso ng GSIS.
Ang grupo ni Mallari na vanguard ay isa sa naghain ng impeachment case laban kay Sereno kasama ng VACC.
Ulat ni Moira Encina