Suspensyon ng excise tax sa mga imported oil products, ipinauubaya na ng Malakanyang kay President Elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ipinauubaya na ng Malakanyang sa papasok na administrasyon ni President Elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. kung sususpendihin ang pangongolekta ng gobyerno ng excise tax sa mga imported oil products.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar bagamat nakasaad sa probisyon ng Tax Reform Acceleration Inclusion o TRAIN Law na kailangang suspendihin ng pamahalaan ang paniningil ng excise tax sa mga inaangkat na produktong petrolyo kapag pumalo na sa 80 dollars ang presyo ng kada bariles ng krudo sa world market upang mapababa ang local prices hindi na ito gagawin ng Duterte administration.
Ayon kay Andanar, mawawalan ng mahigit 200 bilyong pisong pondo ang pamahalaan kapag sinuspendi ang pangongolekta ng excise tax sa mga imported oil products.
Inihayag ni Andanar na ang perang nakokolekta ng gobyerno mula sa excise tax ng mga imported oil product ang ginagamit para tugunan ang problema sa pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac