Suspensiyon ng paglulunsad ng Bayanihan Bakunahan PinasLakas special vaccination days, binawi na ng DOH
Matapos hindi matuloy nitong Lunes, inanunsyo ng Department of Health (DOH) na binawi na nila ang suspensyon ng paglulunsad ng Bayanihan Bakunahan PinasLakas special vaccination days sa Metro Manila, at iba pang bahagi ng Luzon.
Ang Bayanihan Bakunahan ay unang itinakda sa September 26 hanggang 30, pero dahil hindi ito nasimulan sa Luzon kahapon, inextend ito ng DOH hanggang sa October 1.
Subalit ayon kay DOH OIC Ma. Rosario Vergeire, sa Visayas at Mindanao ay natuloy ang paglulunsad ng programa kung saan may 66,576 indibidwal ang nabigyan ng 1st booster.
Para sa mga impormasyon kung saan saang lugar gagawin ang Bayanihan Bakunahan ay makipag ugnayan lang sa mga lokal na pamahalaan.
Sa datos ng DOH, 73.01 milyong indibidwal o 93.79% ng populasyon ang fully vaccinated na pero 19.2 milyon pa lang dito ang may booster na.
Samantala, may 21 health facilities sa iba’t ibang lugar sa bansa ang nasira dahil sa bagyong karding.
Pero paglilinaw ni DOH OIC Ma Rosario Vergeire, partially damaged lang naman ang mga ito gaya ng natuklap na bubong.
Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa nga lokal na pamahalaang nakakasakop rito para sa mabilis na pagsasaayos.
Tiniyak naman ni Vergeire na sa kabila nito ay walang serbisyong naantala at tuloy pa rin ang mga nasabing pasilidad sa kanilang operasyon.
Sinabi pa ni Vergeire, na wala namang nasirang COVID-19 vaccine dahil sa bagyo.
Madelyn Villar Moratillo