Suspensyon ng Pasay judge at clerk of court na sinasabing tumanggap ng P6-M suhol, pinalawig ng SC
Ipinag-utos ng Korte Suprema na palawigin pa ang preventive suspension sa isang hukom at clerk of court ng Pasay City Regional Trial Court na inaakusahan ng panunuhol.
Sinabi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, na inaprubahan ng mga mahistrado ang rekomendasyon ng Judicial Integrity Board (JIB) na extension sa pagsuspinde kina Pasay City RTC Branch 108 Judge Albert T. Cansino at Officer-in-Charge/Acting Branch Clerk of Court Mariejoy P. Lagman, na iniimbestigahan sa pagtanggap ng P6 milyong suhol mula sa litigant.
Una nang pinatawan ng 90 araw na preventive suspension ang huwes at clerk of court habang iniimbestigahan ng JIB ang reklamo.
Nadakip ng mga awtoridad sa entrapment operation si Lagman noong Mayo matapos tanggapin ang marked money.
Ipinagharap na rin ng DOJ si Lagman ng kasong direct bribery at katiwalian.
Moira Encina- Cruz