Sustainable Fashion
Japorms ka ba? Mahilig ka ba sa mga usong damit? Naka-isputing, ang katawagan noon. ‘Yun tipong inaabot ng higit sa isang oras sa harap ng salamin at halos naubos ang damit sa aparador kakasukat at mix matching ng damit, maging sa pagpili ng bling-bling sa katawan. Minsan nasasabihan ng ang arte-arte, o poporma porma, may pera ka ba? Pero teka, kelan ba nagsimula ang salitang ‘porma,’ and why fashion matters?
Ang salitang maporma ay mula sa Spanish word ma “forma” ibig dabihin snazzy, gumagamit ng flashy clothed and accessory to make an impression. Ayon kay Ms. Jayvie Calderon, isang entrepreneur, founder ng By the Oceane. Ang fashion ay parte ng pamumuhay kung saan pwede natin maipakita ang ating personalidad base sa mga damit, sapatos, aksesorya, atbp na isinusuot natin sa ating katawan. Sa pamamagitan nito, tayo ay nakakahugot ng lakas para sa ating mga sarili, para tumaas ang kumpiyansa natin at maramdaman natin lalo gaano tayo kaganda. Maraming mabuting dulot ang fashion, isa na rito ang pagbibigay sa maraming tao ng oportunidad para makapagtrabaho at para maipakita ang talento sa paglikha ng sining, bukod sa hinahayaan nito na ipakita natin ang ating mga personalidad. Gayunman, sa panahong ito may hindi magandang dulot ang fashion, una, sa ating kalikasan. Sa proseso ng paggawa ng mga damit, sobrang daming likas na yaman ang kailangang gamitin at dahil dito, nauubos ang mga ito para sa iba pang mas mahahalagang gamit. Ang cotton halimbawa na isa sa pinakasikat na hibla na ginagamit sa paggawa ng damit ay karaniwan nang pinapatubo gamit ang maraming klase ng fertilizer upang mapabilis ang proseso sa hindi natural na paraan. Ito ay nagreresulta sa pagbaba ng kalidad ng lupa sa mga sakahan at posibleng nakakaapekto rin sa kalusugan ng mga nae-expose sa fertilizers. Bukod pa riyan, ang mga kemikal na ginamit sa paggawa ng mga damit ay inaanod papunta sa yamang tubig at nakakaapekto rito, bumababa ang kalidad ng mga dagat, namamatay ang mga lamang dagat, at minsa’y natatamaan ng seryosong sakit ang mga taong nakatira malapit sa karagatan. Lahat ng iyan ay dulot pa lamang ng mismong paggawa ng damit. Kapag ang mga damit ay nasa kamay na ng mga consumer, marami itong microfiber na inaanod ulit papunta sa karagatan kapag ang mga ito ay nilalabhan. Kapag naman ang mga damit ay napagsawaan na o kaya ay hindi nagagamit, marami dito ay napupunta sa mga landfill kung saan hindi sila na-dedecompose o kaya ay sinusunog.
Lahat ng ito ay bunga ng tinatawag na fast fashion o ang patuloy paglalabas o paglikha ng mga fashion trend para mahikayat ang mga tao na patuloy bumili kahit sila ay mayroon o marami pang damit para lang hindi mawala sa uso. Karaniwan pa sa fast fashion brands ay hindi maganda ang kalidad at madaling masira dahil mura ang ibinabayad na labor sa mga factory workers at ang mga materyales na ginagamit sa paggawa para ma-maximize nila ang kita para sa mga sarili. Marami sa mga manggagawa ng mga damit ay hindi nakakakuha ng sapat na sweldo, napapahamak sa hindi ligtas na factories, at sa pangkalahatan ay hindi maayos ng working conditions. Dahil sa mga nakasaad sa itaas ay kaya pinili ko na huwag suportahan ang mga fast fashion brands at sa halip ay tangkilikin ang sustainable fashion. Ano naman ang sustainable fashion? Ang sustainable fashion ay ang uri ng fashion na hinahayaan ang mga tao na makuha ang mga pangkasalukuyang pangangailangan nang hindi inaagawan ang mga susunod na henerasyon ng kapasidad para makuha rin nila ang kanila.
Sa panahon ngayon, sobrang dami nang damit sa mundo na nasasayang dahil sa patuloy at sobrang bilis na pag-produce ng mga damit at kung hindi ito maaagapan, mauubusan ng mga likas na yaman ang mga susunod na henerasyon at mahihirapan sila sa mundong kanilang gagalawan.
Marami ng brands ang nagsisimulang magpakalat ng adbokasya ng sustainable fashion ngunit marami dito ay mahal ang presyo at hindi kaya tangkilikin ng lahat. Mayroon din namang ukay-ukay o secondhand clothing na naghihikayat sa mga tao suportahan ang secondhand para magamit na natin ang mga damit na nage-exist na sa halip na bumili ng mga panibago sa fast fashion brands na nagtutulak sa kanilang mag-produce pa nang marami. Marami rin sa mga ukay-ukay ay hindi pangkaraniwan at hindi nakikita sa mga mall. Ngunit sa lahat ng ito, alam natin na maraming mga tao lalo na dito sa ating bansa halimbawa ay hindi pa aware sa sustainable fashion at hindi nila ito prioridad bilang hindi lahat ay may kakayanan bumili ng mga sustainable na damit o magdoble isip pagdating dito.
Walang masamang tumangkilik sa fast fashion basta’t ito’y ginagawa sa paraan na hindi sosobra at makasasama sa kahit kanino. Sa huli, kahit subukan nating maging responsableng consumers, ang may pinakamalaking responsibilidad pa rin ay ang mga corporasyon na gumagawa ng damit at ang mga awtoridad na nangangasiwa. Sa kanila mismo dapat magsimula ang pagbabago ng sistema at paglatag ng mga polisiya na magpapabuti sa fashion industry. Ang kaya nating gawin ay maging mindful sa ating fashion habang nanghihingi ng pananagutan sa mga namiminuno.
Kaya ano pa hinihintay i-try natin ito, eco-friendly na, swak pa sa ating budget.