Susunod na Quarantine classifications sa Laguna, Iloilo city at CDO, inirekomenda na ng IATF kay Pangulong Duterte
Mayroon nang rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa susunod na quarantine classification para sa Laguna, Iloilo city at Cagayan de Oro city.
Magtatapos na kasi sa Linggo, August 15 ang ECQ classification sa mga lugar na ito.
Gayunman, sinabi ni Presidential spokesman secretary Harry Roque na hinihintay na lamang ang pag-apruba ng Pangulo sa rekomendasyon ng IATF.
Tiniyak ni Roque na bago mapaso ang ECQ sa mga lugar na ito, ay maiaanunsyo ng Palasyo ang kanilang bagong quarantine classifications.
May pagpupulong pa aniya ang IATF ngayong araw para maisapinal ang resulta ng kanilang rekomendasyon.
Wala pa naman aniyang rekomendasyon para sa bagong quarantine classification sa Metro Manila dahil hanggang August 20 pa naman ang pag-iral ng ECQ rito.
Tulad ng dati, sinabi ni Roque na ginagamit nilang formula sa pagtatakda ng quarantine classification ay ang Average Daily Attack Rate (ADAR), 2-week growth rate, at hospital care utilization rate.
Vic Somintac