SUV driver na sumagasa sa security guard, kinasuhan ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office ng frustrated homicide
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang SUV driver sa viral video na sumagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City noong Hunyo.
Sa resolusyon ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office, inirekomenda na kasuhan sa korte ng frustrated homicide ang hit-and-run accused na si Jose Antonio Sanvicente.
Si Sanvicente ang nagmamaneho ng Toyota RAV4 na may plate number NCO 3781 na nakita sa viral dash camera video na sumagasa sa mall security guard na si Christian Joseph Floralde.
Ayon sa prosekusyon, present sa kaso ang mga elemento ng frustrated homicide.
Pangunahin na rito ang intent to kill ng akusado na napatunayan kaya may sapat na batayan para kasuhan si Sanvicente ng frustrated homicide.
Ibinasura naman ng piskalya ang reklamong abandonment of persons in danger and one’s own victim dahil sa kawalan ng probable cause.
Una nang ipinawalang-bisa ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ni Sanvicente at hindi na rin ito maaaring kumuha ng lisensya at magmaneho ng sasakyan.
Batay pa sa datos ng LTO, nahuli na rin sa tatlong insidente ng reckless driving sa mga nakaraang taon si Sanvicente.
Moira Encina