Taas presyo ng mga bilihin, inaprubahan na ng DTI
Aprubado na pero ipinako ng Department of Trade and Industry (DTI) sa 10 porsiyento ang maximum o pinakamataas na dagdag presyo sa ilang pangunahing bilihin sa bansa.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, na marami silang natanggap na mga kahilingan mula sa mga negosyante na malaki ang porsiyentong nais idagdag sa halaga ng mga bilihin.
Ang pinakamalaki na inaprubahan ng DTI ay 10 porsiyento, pero mayroon ding dalawa, tatlo, at apat na porsiyento.
Paliwanag ni Castelo, sa 212 produkto na nasa “shelf-keeping units” na nasa bulletin ng DTI, ay nasa 82 produkto lamang ang nagkaroon nang pagbabago sa presyo.
Kasama sa tumaas ang presyo ay ang bottled water, mga inuming tubig na naka-container; processed milk; instant noodles, kape at asin.
Inamin ng opisyal na hindi mapipigilan ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin, bunsod ng pagtaas sa presyo ng raw materials at ingredients sa paggawa nito.