Taas-singil sa InstaPay at PESONet, pinigil ng BSP

Nag-isyu ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng moratorium sa taas-singil sa person-to-person fund transfers sa InstaPay at PESONet.

Effective immediately ang pagpigil sa fee hikes ng InstaPay at PESONet na nilagdaan ni BSP Governor Benjamin Diokno.

Alinsunod sa moratorium, hindi maaaring taasan ang singil hanggang sa maipalabas ng BSP ang pricing standards o guidelines o kaya ay sa oras na umabot sa 40% ang volume ng digital payments alinman ang mauna.

Ang PESONet ay batch electronic fund transfer (EFT) na maaaring ikonsidera bilang electronic alternative sa check system.

Ang InstaPay naman ay real-time, low value EFT para sa mga transaksyon ng hanggang P50,000.

Kapaki-pakinabangan ito para sa e-commerce at sa mga urgent payment needs.

Ayon pa sa BSP, ang mga participating na bangko at e-money issuers (EMIs) sa InstaPay at PESONet ay maaaring i-waive o bawasan ang kasalukuyan nilang singil.

Sinabi ni Diokno na ang pagpapanatili sa transfer fees sa panahong ito ay inaasahang magpapalakas sa post-pandemic recovery ng bansa.

Moira Encina

Please follow and like us: