Taguig City maglalagay ng vaccination centers sa malalaking malls sa lungsod
Napagkasunduan ng loKal na pamahalaan ng Taguig at ng malalaking malls sa siyudad, na maglagay ng vaccination centers.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, sa pakikipagtulungan ng Vista Mall, Megaworld, SM at Ayala at iba pang mga sektor ng negosyo, ay mapalalakas ang vaccination roll out sa lungsod.
Sa ngayon ay ipinagpapatuloy ng Taguig LGU ang kanilang COVID-19 vaccination drive, partikular na para sa mga health worker, senior citizens, at may comorbidities, bukod sa iba pang mga nasa priority lists na nabakunahan na.
Sinabi ng alkalde, na ang pagbabakuna ay magiging susi sa mas mabilis na pagbangon ng bansa at maging ng ekonomiya mula sa pandemya.
Samantala, kabilang pa rin ang Taguig City, sa may pinakamababang kaso ng COVID-19 sa bawat isang daang libong populasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Mayor Lino, bunsod ito ng maigting na pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga mamamayan ng Taguig at sa sektor ng pagnenegosyo.
Bukod sa pagkakaroon ng pinakamalaking network ng mga health worker sa mga barangay, ipinagmamalaki rin ng lungsod ang sampung libong itinalagang COVID-19 safety officers, na masigasig na tumutulong sa malawak na pagsubaybay sa sakit sa lungsod at sa mahigpit na pagpapatupad ng health & safety protocols.
Ulat ni Archie Amado