Taguig court kinumpirma ang pagbasura sa kaso laban sa isa sa apat na puganteng Japanese
Pinaboran ng korte sa Taguig City ang mosyon ng prosekusyon na bawiin ang kaso laban sa isang Hapon na sinasabing isa sa apat na ipinapadeport ng Japanese government dahil sa robbery cases.
Si Toshiya Fujita ay ipinagharap ng kasong light threats sa ilalim ng Revised Penal Code noong August 2021 ng abogado na si Francis Alcantara matapos umano na bantaan siya na kakasuhan ng disbarment case.
Si Fujita ay tinukoy ng Japanese media na isa sa apat na Hapon na hiniling gobyerno ng Japan na mai-deport.
Ayon kay Taguig City Metropolitan Trial Court Branch 116 Clerk of Court Merly Pagkalinawan, ang pagkatig ng korte sa motion to withdraw information ay katumbas ng dismissal o pagbasura sa kaso.
Kaugnay nito, binawi na rin ang warrant of arrest laban kay Fujita.
Ang resolusyon ng korte ay inilabas noong Pebrero 1 habang ang motion to withdraw information ay inihain ng prosekusyon noong Enero 31.
Sinabi ni Pagkalinawan na batay sa pag-aaral ng judge sa kaso ay wala itong nakitang probable cause kaya pinagtibay ang hiling ng prosekusyon.
Paliwanag pa ng clerk of court, hindi sumipot kailanman ang mga akusado at pribadong complainant sa mga ipinatawag na hearing ng korte.
Moira Encina