Taguig LGU iginiit na may scholarship at education programs din para sa mga mag-aaral sa lungsod
Pumalag si Taguig Mayor Lani Cayetano sa mistulang pangmamaliit sa kanilang kakayahan.
Ayon kay Cayetano, may mga programa rin naman ang Taguig para sa mga estudyante.
Maliban sa scholarship program, tatak din aniya ng Taguig ang door to door delivery nito ng kanilang serbisyo.
Ilan aniya rito ang door to door birthday cash gifts para sa senior citizens at persons with disabilities; house delivery ng maintenance medicines para sa mga may asthma, hypertension at diabetes at ang mga bedridden na residente ay personal na bisita ng health personnel para sa kanilang home care.
Iginiit naman ni dating Presidential Communications Assistant Secretary JV Arcena na malaking tulong sa mga residente ng EMBO barangays ang mga programang ilalatag ng lokal na pamahalaan ng Taguig.
Isa aniya ang innovative education program ng Taguig City na mapakikinabangan ng mga estudyante.
Kumpara aniya sa ibang lungsod na sa top 10 lamang ng kanilang estudyante ang inaalok ng scholarship, sa Taguig City may oportunidad sa lahat ng estudyante at hindi hadlang kung anuman ang kanilang academic achievements.
Ayon kay Arcena, isang game changer ang alok na scholarship ng Taguig.
Sa scholarship program ng Taguig, binibigyan ng financial assistance ng mga mag-aaral mula P15,000 hanggang P110,000 kada taon depende sa nais na scholarship.
Madelyn Moratillo