Taguig LGU: Writ of execution hindi na kailangan sa paglipat ng mga barangay mula sa Makati City
Nanindigan ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig na hindi kailangan ang Writ of Execution para ipatupad sa paglilipat ng mga barangay mula Makati City patungo sa kanilang hurisdiksyon.
Sa isang pahayag, umalma ang Taguig LGU sa “initial assessment” ng Office of the Court of Administrator na nagsasabing kailangan pa ng Writ of Execution para maipatupad ang kautusan ng Supreme Court patungkol sa territorial dispute.
Ayon sa LGU, ang nasabing statement ng OCA ay opinyon lang at hindi puwedeng gamiting batayan para iantala ang paglilipat ng mga barangay mula sa Makati patungo sa hurisdiksyon ng Taguig
Dagdag pa nito, ang opinion na inilabas ng OCA ay hindi na sakop ng kapangyarihan nito dahil hindi na ito bahagi ng routine administrative matter na dapat nitong pangasiwaan sa mga trial court.
Taliwas din anila ang opinion ng OCA sa nature at tono ng mismong desisyon na inilabas ng Korte Suprema na final and executory na.
Binanggit pa ng Taguig LGU ang pagpuri
ng Korte Suprema sa COMELEC, DBM, DOF at DENR sa pagkilala nito sa desisyon ng hukuman na nagsasabing sakop ng Camarines Norte ang siyam na barangay mula sa Quezon at pinatawan ng korte ng contempt ang mga opisyal ng Quezon Province dahil sa pagbalewala sa inisyu nilang final decision.
Dahil dito, pursigido ang Taguig na maghain ng legal remedy para igiit ang kanilang karapatan salig sa desisyon ng korte at ng itinatakda ng batas.
Madelyn Moratillo