Taiwan naka-detect ng 41 Chinese aircraft sa paligid ng isla
Inihayag ng defense ministry ng Taiwan, na naka-detect ito ng 41 Chinese military aircraft sa paligid ng isla sa loob ng 24-oras, isang araw makaraang sabihin ng Beijing na ang “diehard” advocates ng Taiwan independence ay maaaring maharap sa death penalty.
Inaangkin ng China ang self-ruled democratic Taiwan bilang bahagi ng kanilang teritoryo at sinabing maaari silang gumamit ng puwersa upang ipailalim ito sa kontrol ng Beijing.
Matatandaan na pinaigting nito ang pressure sa Taipei nitong nagdaang mga taon, at nagsagawa pa ng war games sa paligid ng isla kasunod ng inagurasyon noong isang buwan ng bagong Taiwanese leader na si Lai Ching-te.
Nitong Sabado, sinabi ng defense minister ng Taipei na naka-detect ito ng 41 Chinese military aircraft at pitong naval vessels na nag-operate sa paligid ng Taiwan sa loob ng 24-oras.
Sa kanilang pahayag ay sinabi ng ministry, “32 of the aircraft crossed the median line of the Taiwan Strait,” na ang tinutukoy ay ang isang linya na humahati sa 180 kilometro (110 milya) na daanan ng tubig na naghihiwalay sa Taiwan mula sa China.
Dagdag pa ng ministry, binabantayan nila ang sitwasyon at a-aksiyon kung kailangan.
Ang pangyayari ay kasunod ng paglalathala ng China ng judicial guidelines nitong Biyernes na kinabibilangan ng death penalty para sa partikular na seryosong mga kaso ng “diehard” supports sa Taiwanese independence.
Noong May 25, ang Taiwan ay naka-detect din ng 62 Chinese military aircraft sa paligid ng isla sa loob ng 24-oras, ang pinakamataas na bilang na nangyari sa loob ng isang araw ngayong taon, habang nagsasagawa ang China ng military drills kasunod ng inagurasyon ni Lai, na itinuturing ng China na isang “mapanganib na separatista.”