Taiwan tatanggap muli ng OFWs simula February 15
Nasa 40,000 manggagawang pinoy ang makikinabang sa pagbubukas ng Taiwan sa mga dayuhang manggagawa makaraang tanggalin na nila ang travel restrictions dahil sa COVID-19.
Inihayag ng Central Epidemic Command Center ng Taiwan na puwede nang muling pumasok sa kanilang teritoryo ang mga OFW simula sa February 15, 2022.
Ipinaalala naman ni Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Taipei labor Attaché Cesar Chavez sa mga OFW na dapat sundin ang panuntunan ng Central Epidemic center ng Taiwan laban sa virus.
Dapat ring bakunado na ang isang OFW bago pumasok ng Taiwan at ang kanilang employer ang maghahanda ng hotel na magiging ‘quarantine facility’ nila pagpasok sa naturang bansa.
Matapos na makumpleto ang 14-day quarantine, mananatili pa rin sila sa hotel ng pitong araw para sa self-health management bago magtungo sa kanilang pagtatrabahuhan.
Ang iba pang requirement ng Taiwan Health Authorities ay ang pagkakaroon ng RT-PCR test, at one-person one-room isolation bago pumasok sa kanilang teritoryo.
Kailangan din ang Medical insurance para sa kumpirmadong kaso, at kailangan ang RT-PCR test pagkapasok sa Taiwan.