Taiwanese na nagpanggap na Pinoy, arestado ng Bureau of Immigration sa NAIA
Timbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Taiwanese na nagpanggap na Pinoy sa NAIA.
Kinilala ang pekeng Pinoy na si Su Ping Yen, 27 anyos na inaresto nang magtangkang sumakay sa Air Asia flight papuntang Taipei.
Pinigilan ng mga immigration officers ang Taiwanese na makaalis ng bansa matapos mabatid na nasa alert list ito ng BI dahil sa pekeng Philippine passport.
Nakakulong si Su sa BI detention facility sa Taguig habang nakabinbin ang kanyang deportation.
Napagalaman ng Travel Control and Enforcement Unit ng BI na una nang in-offload si Su ng isang Air Asia personnel sa isang flight papuntang Taipei dahil duda ito sa Philippine passport ng lalake.
Inirefer ito ng airline sa BI forensic document laboratory na nagkumpirmang peke ang pasaporte ni Su.
Matapos ma-deny ng nasabing airline ay muling nag-book ng flight ang Taiwanese at nagtangkang umali gamit ang fake passport .
Ayon sa dayuhan, nakuha niya ang Philippine passport sa tulong ng isang kaibigan sa halagang tatlong libong piso.
Ulat ni Moira Encina