Talk to the People, gagamitin ni PRRD para sagutin ang mga isyung ipinupukol sa administrasyon
Gagawing dalawang beses sa loob ng isang linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagharap sa publiko sa pamamagitan ng Talk to the People program.
Sinabi ng Pangulo kung dati ay isang beses lamang sa kada linggo ang Talk to the People gagawin na itong dalawang beses para sagutin ang lahat ng isyu na ibinabato ng oposisyon sa administrasyon.
Ayon sa Pangulo, hindi puwedeng basta manahimik lamang ang administrasyon sa mga akusasyon ng oposisyon lalo na ang isyu tungkol sa korapsyon.
Inihayag ng Pangulo na inaasahan na ang matinding banat ng oposisyon sa administrasyon dahil pumasok na ang political season.
Niliwanag ng Pangulo na ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa para resolbahin ang problema ng bansa lalo na ang pagharap sa pandemya ng COVID-19 at kung mayroong pagkukulang ay humihingi siya ng paumanhin sa taongbayan.
Binigyang-diin ng Pangulo na sa nalalabing araw ng kanyang administrasyon ay sisikapin niyang mabigyan ng lunas ang problema ng bansa na may kaugnayan sa ilegal na droga, kriminalidad, korapsyon at paglaban sa pandemya ng COVID 19.
Naniniwala ang Pangulo na hahatulan ng kasaysayan ang kaniyang administrasyon.
Vic Somintac