Target na 1.7 milyon na tourist arrivals sa bansa bago matapos ang taon, nalagpasan na
Umaabot na sa mahigit 1.7 milyon ang international tourist arrivals sa bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, lagpas na ito sa target tourist arrivals na 1.7 milyon ng Department of Tourism para sa Disyembre o bago matapos ang 2022.
Ang nasabing bilang ng mga turista ay batay sa datos ng DOT noong October 10.
Ayon sa kalihim, patungo na sa full recovery ang turismo sa bansa at ito ay mas palalakasin pa ng gobyerno.
Inihayag ni Frasco na nakatulong sa pagpapasigla muli sa turismo ang isinagawa nito na listening tours sa lahat ng rehiyon, at ang pagharap sa Philippine Economic Briefings sa labas ng bansa upang maipabatid na ang Pilipinas ay bukas at handa na.
Sa loob din aniya ng unang 100 araw ng Marcos Administration ay nagpatupad sila ng mga kinailangang pagbabago sa industriya ng turismo upang mapalakas ito.
Inihalimbawa ni Frasco ang unang Philippine Tourism Jobs Fair at ang groundbreaking ng Tourist Rest Areas.
Moira Encina